Ang pagkomyut ay isang paraan ng transportasyon na
karaniwang ginagamit ng mga taong walang kotse upang makapunta sa destinasyong
kailangan nilang paroonan. Ito ay madalas gawin ng mga mag-aaral at mga
empleyado upang makarating sa kanilang eskwelahan o lugar ng trabaho. Ito ay
maaring gawin sa pamamagitan ng pagsakay sa pampublikong sasakyan tulad ng bus,
UV Express (Van o fx), LRT, MRT etc.
Komyuter (Commuter)
ang tawag sa taong nagkokomyut. Ito ay hango sa rail travel sa mga siyudad
sa US tulad ng New York,
Philadelphia, Boston at Chicago kung saan noong
taong 1840, ang mga railway ay
nagbibigay daan sa mga manlalakbay na makapunta sa kanilang kailangan puntahan
sa halagang mas mura na tinatawag nilang commuted
o reduced fare. Sa paglipas ng panahon,
naiba na ang depinisyon ng salitang commute at ginamit na ito upang ilarawan
ang sitwasyong pangtransportasyong ito.
Ang
pagkomyut ay isang karaniwang gawain ng marami sa pang araw-araw ngunit ito ay
maituturing na isang malaking hakbang sa pagkakaroon ng isang industrialized society. Ang pagkomyut ay
naging paraan upang mas mapadali ang pagbiyahe ng isang tao. Kung noong 19th
century ay maraming empleyado ang kinakailangang maglakad ng pagkatagal-tagal
sa kahabaan ng mga kalsada upang makarating sa kanilang pagtatrabahuan, ngayon
ay mas napadali na ito ng pagkokomyut. Mas naging convenient at mabilis ang paraan ng transportasyon ng mga tao.
Sa pang araw-araw na pag-obserba sa mga
kalsada, masasabi nating ang pagkomyut ay tunay na tinatangkilik ng marami. Kahit
na marami na sa mga tao ang nakakabili ng sarili nilang kotse, marami parin ang
nagkokomyut at ito ay mapapatunayan sa haba ng pila sa MRT at LRT, sa
pagsisiksikan ng mga tao sa bus na marami nang nakatayo, sa pag-aagawan ng mga
tao sa UV Express at sa bawat kalsadang ubod ng sikip dahil sa trapiko.
Bagamat ang pagkomyut ay isang pangkaraniwang
bagay na ginagawa ng karamihan sa atin, ito ay isang pangyayaring maaring
pagnilyan at masasabing mayaman sa pilosopikal na bagay. Ang pagkomyut ay maari
nating ihalintulad sa buhay at sa pamamagitan nito ay maari tayong matuto upang
ating makamit ang destinasyong ating dapat paroonan.
Ang bawat proseso ng pagkokomyut ay pwede nating
pagnilayan at ihalintulad sa ating mga mas malalim na karanasan sa buhay.
Ang una ay ang paghihintay. Gaano ka katiyaga maghintay
ng sasakyang dadaan para sayo? Hanggang kalian mo kayang maghintay kahit na
wala kang kasiguraduhang may dadating para sayo? Paano kung matagal kang
naghintay pero nilagpasan ka lang? Handa ka bang maghintay ng panibagong
dadating na papara para sayo? Maglalakad ka ba ng matagal para matagpuan ang
sasakyang magdadala sayo sa destinasyon mo?
Ang pangalawa ay ang pakikipag-agawan ng pwedeng
masakyang behikulo. Madalas sa dami ng mga tao, lalo na kapag rush hour ay nararanasan natin ang struggle sa paghahanap ng masasakyan.
Dito pumapasok ang paggising at pag-alis ng maaga upang makatiyempo ng
sasakyang maluwag pa at kalsadang hindi pa siksik sa trapiko upang mas
kumportableng makapunta sa dapat puntahan. Gaano ka ka-disiplinado? Kaya mo
bang gumising ng maaga kahit na antok na antok ka pa upang maiwasan ang
pakikipagsapalaran upang makahanap ng pwedeng masakyan o ikaw ba ang taong
sasabay nalang sa rush hour at tipong
agresibo na makikipag-agawan sa maraming tao? Ikaw ba yung madugas na, iba ang
pumara pero ikaw ang nakasakay o yung fair
player na kung sinong nauna siya ang unang sasakay? Ikaw ba yung smart at
madiskarte na nakakaisip ng paraan para magkaroon ng masasakyan o ikaw ba yung
sadyang swerte lang at walang effort na nakakahanap ng pwedeng masakyan?
Ang pangatlo naman ay ang desisyon sa kung anong
sasakyan. Sa kalsada maraming options. May iba’t ibang klase ng pampublikong
sasakyan na pwedeng pagpilian at bawat sasakyan ay may iba’t ibang karatula.
Ikaw ba yung tipo na kahit mahal ay
go-gora nalang basta kumportable at makakarating agad sa dapat puntahan
o ikaw ba yung praktikal na iniisip muna
kung saan mas makakatipid? Ikaw ba yung klase na pagpunuan ayaw mong sumakay at
handa ka maghintay ng mas maayos at mas maluwag o ikaw yung tipong kahit
iluluwa ka na ng bus, sige parin basta makaalis?-Parang sa relasyon sa tao,
ikaw ba yung hahanap ng talagang tatanggap sayo o mas gusto mong ipagsisikan
ang sarili mo kahit na ayaw nila sayo?
Ang pang-apat ay nakasentro sa mismong biyahe mo habang
nasa loob ka ng sasakyan. Marami ang pwedeng mangyari. Pwedeng magkaroon ng traffic na aantala sa biyahe. Pwede kang
masiraan na talaga namang perwisyo. Pwede kang mapahamak dahil katabi mo pala
ay snatcher. Sa bawat biyahe, maraming nangyayari na pwedeng makaapekto sa pagpunta
mo sa destinasyong tatahakin mo. Maraming mga pagsubok na dapat lagpasan.-may frustration, may kapahanmakan na pwedeng
maranasan. Hanggang kailan mo kayang magtiis sa biyahe. Ikaw ba yung papara
para magbreak muna o ikaw yung
tuloy-tuloy lang at go with the flow?
Sa bawat kahabaan ng biyahe natin sa buhay ay marami
tayong pagdaanan. Maraming desisyong kailangang panindigan. Maraming karanasang
pwedeng makaapekto sa biyahe natin sa dapat nating paroonan. Pwedeng
tuloy-tuloy lang. Pwede rin namang pumara, pagpagod ka na. Mayroong mga kasama,
maraming nakikilala. Maaring sa biyaheng ito ay di tayo sigurado. Pwede tayong
lumagpas at maligaw, nakakatakot sa simula pero adventure pa rin at magiging paraan upang mas makilala mo pa ang
sarili mo. Sa kahabaan ng biyaheng ating tatahakin, marami tayong mararanasan
bago makarating sa dapat puntahan. Pag nakarating na ba ikaw sa destinasyon mo,
masasabi mo bang sulit ang buong biyahe mo, at ang pamasahe mo ay kering keri
lang?
No comments:
Post a Comment