Friday, May 15, 2015

Pagbuo sa Sarili at Pagsulat ng Istorya


Panimula:
            Sa panahon ngayon, usong uso ang tinatawag na karamihan na “Soul-Searching.”  Madalas rin nating naririnig ang karaniwang break-up line na “Kailangan kong hanapin ang sarili ko.” Hindi nating maiwasang maghanap ng kahulugan sa ating buhay. Lahat tayo ay dumadating sa punto na magtatanong tayo kung ano nga ba ang silbi natin sa mundo.
            Madalas akong napapisip kung tunay nga ba talagang hinahanap ang sarili o binubuo ito? Itinatanong ko rin sa sarili ko kung ang salitang ideya nga ba ng destiny ay totoo? Umiral ba tayo sa mundo kung saan may tadhanang nakahain para sa atin na dapat nating hanapin o umiral tayo mula sa ganap na kawalan na unti-unti nating pupunan at bubuuin sa mga panahong nabubuhay tayo?
            Nabanggit ni Martin Heidegger sa kaniyang Modes of Dasein na ang tao ay transcendental o Being- ahead of one’s self na nangangahulugang ang tao ay namumuhay ng nakatingin sa hinaharap at iba pang mga posibilidad na  maaaring mangyari.
            Ipinahayag rin ni Heidegger na ang tao ay Being towards Death. Ang tao ay mortal na may posibilidad na mamatay. Ipinapakita nito na ang buhay ay dapat ginagawa sapagkat ang buhay ng tao ay mayroong katapusan.
            Sinulat ni Heidegger sa akda niya na Being and Time  na ang pag-iral ng tao sa mundo ay nakukumpleto sa pagharap niya sa kamatayan, bagkus ipinagkakahulugan nito na kasama sa mga posibilidad na bumubuo sa ating sarili ang posibilidad ng ating pagka-walang posibilidad.
            Ang tanong ukol sa pag-iral ng tao ang isa sa mga pinakamahirap sagutin na tanong na kadalasan nating tinatanong sa ating mga sarili. Sa pamamagitan ng penomenolohikal na paraan ating iintindihin kung paano ni Heidegger maaring sagutin ang tanong natin ukol sa ating pag-iral. Ating tatalakayin ito sa pamamagitan ng paghahalintulad ng pagbuo sa sarili sa paggawa ng kuwento ng isang manunulat.

Mga Posibilidad at Ideya sa Pagsulat
            Bilang isang mag-aaral sa larangang peryodismo at bilang isang nangangarap na maging isang manunulat, naisip kong mas madaling maihalintulad ang konsepto ng pagbuo sa sarili sa proseso ng pagbuo ng isang istorya.
            Isa sa mga karaniwang bagay kung saan naihahalintulad ang buhay ay ang storya o libro. Sa paghahalintulad natin sa dalawang bagay na ito sa isa’t isa, lumalabas na ang libro ang ating buhay at tayo ang mga manunulat.
            Ang mundong ginagalawan natin ay isang napakalaking libro na binubuo ng iba’t ibang kuwento na isinulat at patuloy na isinusulat ng iba’t ibang mga may-akda. Bawat manunulat ay may iba’t ibang ideya na pinaghihirapang buuin at suriin upang gumawa ng isang kuwentong hindi malilimutan.
            Ang mga ideyang dumadaan sa pagsulat ay maaring sumulpot ng bigla-biglaan o maaring umiral matapos ng isang masusing pagsusuri. Ito ay gaya ng mga posibilidad na nangyayari sa atin. Ang mga posibilidad ay maaring umiral sa pagsulpot ng isang pagkakataon o oportunidad na madalas ay ipinagkakaloob sa atin sa mga oras na hindi natin inaasahan. Maaaring wala tayong kontrol sa pagdating ng mga oportunidad sa buhay natin ngunit tayo parin ang nagdedesisyon kung atin bang tatanggapin ang mga oportunidad na ito, gaya na lamang ng pagdedesiyon ng manunulat kung isusulat niya ang biglaang ideya na pumasok sa utak niya na maaaring dulot ng isang inspirasyon na dumating sa kaniya. Gayunman, ang mga posibilidad ay maaring dumating sa atin matapos natin itong paghirapang makamtan. Dapat nating tandaan na walang mangyayari sa buhay natin kung maghihintay lamang tayo. Dapat may ginagawa tayo upang makamtan natin ang mga posibilidad, gaya ng pagsusulat ng mga istorya. Ang isang magandang storya ay basta-bastang sumusulpot sa isang manunulat. Ang akda ng isang manunulat ay lubos na pinag-iisipan at pinaghihirapang ipagtugma-tugma upang makabuo ng isang kuwentong karapat-dapat basahin.

Pagiging Malikhain ng Isang Manunulat: Transcendental Being
            Sinasabi ni Heidegger na ang mga tao ay Transcendental. Ayon sa “Kamatayan ayon kay Martin Heidegger” Isinulat ni Manuel B. Dy, Jr, “Kapag nasa mundo na ang Dasein, pinagsisikapan niyang tupdin ang kanyang mga posibilidad. Palagi siyang nakaanaw sa kanyang pagka-maaari. Ngunit habang buhay, siya, hindi mauubos ang kayang mga posibilidad. Sa ganoon, ‘nauuna sa sarili’ ang tao; isang palagiang pangunguna sa sarili ang pag-iral-doon. Pangunguna sa anumang pangkasalukuyang sarili, pagtanaw sa at pagsikap buuin ang mga posibilidad, pagkadangkot sa mga bagay at sa kapwa- ganito natutuklasan ng tao ang kanyang sarili.”
            Dahil sa pagtanaw natin sa ating pagkamaaari, nasasabing tayo ay nauuna sa ating sarili at dahil dito, nagsisikap tayong dumanas ng mga bagay-bagay sa buhay. Ang mga karanasan natin ang ilan sa mga bagay na bumubuo sa ating sarili. Dahil sa pag-iisip natin tungkol sa kung anong magiging sa atin pagdating ng panahon, nauudyok tayo na magsikap para magkaroon ng iba’t ibang posibilidad, parang isang manunulat na hindi mapigilan ang imahinasyon na magbalangkas ng mga ideya at plano para sa isang libro.
            Ang isip natin ay malikhain gaya ng sa isang manunulat ito ang isa sa mga dahilan kung bakit natin nabubuo ang ang ating istorya. Ito ang dahilan kung bakit nagakakaroon ng iba’t ibang posibilidad at kung bakit nagsisimula tayong bumuo ng ating sarili.

Pagsulat ng mga Salita sa Blangkong Papel: Pagbubuo ng Sarili Mula sa Wala
            Gaya ng isang blankong papel, ganito nagsisimula ang ating pag-iral. Mula sa pagiging wala, unti-unti tayong nabubuo dahil sa mga posibilidad. Parang isang papel na sinulatan ng isang manunulat na sa una wala itong laman ngunit, habang nagkakaroon ng ideya, unti-unting napupunan ng mga salitang pinagtugma-tugma upang makagawa ng isang interesanteng istorya.
            Mula sa ating pagiging wala, nagsisimula tayong mabuo dahil sa mga tinatawag ni Heidegger na Facticity o Throwness. “We are thrown in a given situation,”(mula sa Being and Time) ika niya. Ang ating pag-iral sa mundo ay binubo ng mga bagay na ipinagkaloob na sa atin. Ang mga bagay na ito ay maaaring ang ating kasarian, pangalan, ugali, lahi o kung anu mang mga bagay na parte na ng ating sarili na hindi natin pwedeng piliin. Ngunit, hindi dahil hindi na natin ito pwedeng piliin, hahayaan na nating kontrolin tayo ng mga bagay na ito. Ang pagkakaroon ng mga bagay na ito ay maihahalintulad sa mga tumatangkilik ng isinusulat ng isang manunulat.
            Maaring makaapekto sa isang manunulat ang interes ng mga mambabasa. Sa una, maari itong maging hadlang sa kaniya sa pagsulat ng talagang gusto niyang isulat. Magkakaroon siya ng pag-aalinlangan sa pagsulat lalo na’t kung iba ang dinidikta ng mga mambabasa, lalo na’t kung iba ang gustong mabasa ng  mga mambabasa kaysa sa gusto niyang isulat. Ngunit, hindi dapat hinahayaan ng isang manunulat na diktahan siya ng mga mambabasa. Ang manunulat ang gumagawa ng kaniyang istorya. Siya ang may hawak ng kaniyang panulat at siya ang magdedesisyon ukol sa gusto niyang mangyari sa kuwento niya. Sapagkat, hindi dapat nagsusulat ang isang manunulat para lamang tangkilikin ng mga mambabasa, sa halip, dapat siyang magsulat dahil sa kagustuhan niyang magsulat at bumuo ng kwento. Dapat siyang magsulat upang magpahayag.
            Gaya ng isang manunulat, dapat tayong magdesisyon para sa sarili natin. Hindi dapat natin hinahayaan na diktahan tayo ng lipunan ayon sa ating pagkakaroon ng Facticity. Ayon nga sa tulang isinulat ni William Ernest Henley na pinamagatang “Invictus, ” “I am the master of my fate. I am captain of my soul.” Tayo dapat ang bumubuo sa ating sarili dahil kung hindi, para saan pa? Hindi natin matatawag na buo tayo kung hahayan nating buuin ng ibang tao an gating sarili.
            Ipinapahayag ni Heidegger ang isa sa mga Modes of Dasein na tinatawag na Facticity dito ipinapakita ang tinatawag na inauthenticity. Ayon kay Heidegger, tayo ay nabubuhay ng  inauthentically kapag hiayaan natin na kontrolin tayo ng ating throwness. Nakasulat sa akda ni Heidegger na Being and  Time,  sa pahina 162 na “Authenticity is taking hold at myself in my own way.” Ipinapakita nito na makakamtan ng isang tao ang authenticity kung kaniyang kinikilala na siya ang gumagawa ng desisyon upang magkaroon ng mga posibilidad kahit na mayroong siya ay itinapon sa isang situwasyong hindi niya mapapalitan.


Pagkakaroon ng Writer’s Block: Anxiety
          Dumadating sa punto na ang isang manunulat ay napapagod nang ituloy ang kaniyang istorya. Maaari itong mangyari dulot ng pag-iisip masyado ukol sa mga bagay-bagay sa paligid o maaaring dulot lamang ito ng karanasan ng pagiging tamad lamang. Maaari rin namang nalilito ang isang manunulat ukol sa ano pang dapat mangyayari kung kaya’t nag-aalinlangan siyang ituloy ang istorya. Maaaring humahadlang sa kaniya ang walang kasiguraduhan kung kaniyang itutuloy pa ang istorya. Ang ganitong situwasyon ay karaniwang tinatawag na writer’s block.
            Gaya ng manunulat na minsa’y tumitigil sa pagsulat dahil sa writer’s block, minsan tayong tumitigil sa paghahanap ng mga posibilidad sa pagbuo ng sarili. Natatakot tayo sa kalalabasan ng mga pangyayari at nagaagam-agam sapagkat hindi tayo sigurado sa kung ano nga ba talaga ang bubuo sa atin. Minsan, naliligaw tayo at nagtatanong kung ano nga ba talaga ang silbi natin sa mundo. Kadalasan ay, mahirap itong saguting kung kaya’t natatakot tayo. Natatakot tayo sa mga bagay na walang kasiguraduhan dahil hindi natin maunawaan kung para ang mga bagay na nangyayari sa atin. Hindi madali sa atin na maisip at maunawaan kung ano nga ba ang silbi natin sa mundo kung kaya’t dumadating tayo sa punto na nag-aalinlangan na ayaw na nating maghanap ng mga posibilidad at buoin ang ating sarili.
Mga Plot Twists sa Kwento: Fear of the Uncertainty
            Likas sa atin ang pagkakaroon ng fear of the uncertainty. Ayon kay Heidegger, “Nararanasan ng isang tao ang pagaagam-agam kapag siya ay natatauhan na walang pundasyon ang kaniyang sistema at ang sistema ng pinaniniwalaang lipunan.” Madalas tayong nagkakaroon ng pag-aalinlangan kapag ating napagtatanto na hindi konkreto ang mga bagay sa ating mundo.- Na lahat ng bagay ay nagbabago, lumilipas at walang kasiguraduhan sa ating mundo.
            Sa bawat pahina o kabanata ng kwentong naisusulat ng isang manunulat, may mga pagbabagong nangyayari. Ang mga bagay ay hindi constant. Sa gitna ng kuwento nagkakaroon ng mga plot twists dahil sa pagsulpot ng mga panibagong ideya. Maaaring sa simula, mag-aalinlangan ang mga manunulat na isulat ang mga plot twists na ito dahil sa takot na baka pumangit bigla ang istorya o dahil sa pag-iisip ng baka hindi akma ang plot twist o biglaang pagbabago ngunit kung kaniyang susuriin ng mabuti ang mga plot twists, kahit na madalas ay biglaan na lamang naiisip, ito pala ang tunay na magpapaganda sa istorya at sa huli tamang-tama lamang na mangyari ang plot twist na iyon sa istoryang naisusulat.
            Kung kaya’t kahit tayo ay may fear of uncertainty, hindi nating maiwasan na tahakin ang landas ng walang kasiguraduhan dahil dito natin nahahanap ang mga posibilidad na mas bubuo pa sa atin. Dahil hindi naman natin maipagkakaila na an gating buhay ay tunay na punong-puno ng uncertainty at hindi tayo sigurado sa kalalabasan ng binubuo nating sarili.

Kabuuan ng Akda, Pagsulat ng Ending: Kabuuan ng Sarili, Kamatayan
            Hindi maipagkakaila na nagkakaroon ng pag-aalinlangan ang isang manunulat sa pag-sulat ng ending sa istoryang isinulat niya. Sa mga oras at pagod na iginugol niya upang makapag-isip ng istoryang maisusulat niya, mahirap para sa kaniya na basta-basta na lamang na tapusin ito kahit na nung una ay planado na niya ang katapusan ng istorya. Minsan nagkakaroon ng in-denial stage and isang awtor ukol sa kaniyang isunusulat. May mga pagkakataon na gugustuhin pa niyang pahabain ang istorya niya, wag lang muna matapos ang isnusulat niya, kahit na alam niya na darating ang araw na maiinip na lamang ang mga mambabasa niya at kailangan na niyang tapusin ang istorya niya upang maipakita sa mga tumatangkilik ang kanilang pinakainaabangan na eksena.

            Gaya ng manunulat, natatakot tayo na matapos ang buhay natin. Natatakot tayo na maging ganap na buo kahit ito naman talaga ang dapat mangyari mula pa nung tayo ay umiral mula sa wala.
            Ang kamatayan ang isa sa mga kakaunting bagay na sigurado sa ating buhay, sa proseso ng pagbuo natin sa ating sarili ngunit sa kabila nito, mayroon paring di kasiguraduhan dito. Marami tayong mga tanong dahil sa pagbuo  natin ng sarili natin, natatakot tayo na ang kabuuan na ating pinaghirapan ay mauuwi nalang sa wala, marahil, ito ang dahilan kung bakit hindi natin matanggap na isa sa ating mgma posibilidad ay ang pagkakaroon ng walang posibilidad. Parte na mula pa noon ng ating pag-iral ang balang-araw nating hindi na pag-ral, kung kaya’t nagtatanong tayo kung ano nga bang silbi ng pag-iral natin sa mundo kung balang-araw rin naman ay hindi na tayo iirial. Nagtatanong tayo kung anong mangyayari kapag patay na tayo, dahil likas tayong may Anxiety at fear of uncertainty. Ang karanasan sa kamatayan ang isa sa mga bagay na hindi tayo sigurado.
            Ayon kay Dy, mula sa “Kamatayan ayon kay Martin Heidegger,” “Masasabi natin na habang buhay ang tao, kulang siya sa kalahatan at kabuuan at natatapos ang pagkukulang na ito sa kamatayan.”
            Ang ending ang bumubuo sa isang istorya. Hindi masasabing buo ang isang istorya kung hindi pa ito nagtatapos. Ang ending ang huling ideya na bumubuo sa akda ng manunulat gaya nang kamatayan isang posibilidad na bubuo sa ating sarili. Hindi tayo nagiging buo hangga’t hindi natin nakakamit ang huling posibilidad na ating pwedeng makamtan at ito ang pagkawalang posibilidad.
            Ayon sa “Kamatayan Ayon Kay Heidegger,” “Habang nabubuhay siya sa mundo, hindi nauubos ang kanyang mga posibilidad sa pag-iral. Palaging hindi pa naaayos ang tao, hindi pa niya naaabot ang kabuuan. May katangiang hindi pa tapos ang tao. Nabubuo ang tao sa kamatayan. Sa kamatayan wala na siyang kakayahang umiral, nawawala ang kanyang pagka-doon. Wala nang nanatiling possibilidad na nangunguna sa tao. Tapos at ayos na ang lahat para sa kanya. Hindi na siya pag-iiral doon.”
            Gaya ng ganap na pagsulat ng ending, nararapat lamang na ating tanggapin at sarilinin ang pagkamatay. Hindi na dapat natin itanggi na balang araw ay mamatay tayo dahil isa itong posibilidad na kukumpleto sa pagbuo natin sa ating sarili. Importante na maintindihan natin ang siguradong posibilidad ng kawalan ng posibilidad upang ating mapagtanto na nararapat nating gamitn ang oras natin upang humanap ng maraming posibilidad sa ating maiksing oras ng pag-iral. Ito ay isang paraan upang mabuo natin an gating sarili.
            Iminumungkahi sa “Kamatayan Ayon Kay Heidegger” na, “Isang pag-aantabay sa posibilidad na ito ang tunay na pag-iral-patungo sa kamatayan. Sa pag-aantabay lumalapit ang tao sa kamatayan, hindi sa pagpapaganap nito, kundi sa pag-uunawa dito bilang posibilidad ng pagkawalang posibilidad sa pag-iral niya. Sa kanyang pag-aantabay sa kamatayan matatauhan an tao uko sa tunay na kahulugan ng di- masukatang imposibilidad ng pag-iral… Kaya hinihingi ng kamatayan sa tao ay hindi lamang pag-iral-sa-mundo. Nakasalalay sa pagharap sa kamatayan ang pagbuo, pagganap ng tao sa sarili at sa mundo.”
           


No comments:

Post a Comment