Friday, May 15, 2015

Dahil sa Teknolohiya

          Malaki ang impluwensiya ng teknolohiya sa ating buhay. Malaki ang naitutulong ng teknolohiya sa atin sa pagkat  tunay na napapabilis at napapadali ng nito ang mga dapat nating gawin. Sa panahon ngayon, tila hindi mabubuhay ang mga tao ng walang teknolohiya. Tila lahat ay may cellphone, may internet at pocket wifi.  Ang mga gadgets ngayon ay paliit ng paliit, panipis ng panipis para maging portable  ito upang madala natin ito saan man tayo magpunta.

                Malaking bagay ang naitutulong ng teknolohiya sa atin at tunay na nakamamangha lahat ng mga naiimbento sa panahon ngayon. Ang mga bagay na hindi natin naiisip na pwede palang umiral ay bigla nalang naiimbento.

                Sa panahon ngayon ay mabilis nang nagkakaroon ng kung anu-anong klase ng gadget. Mayroong Samsung S3, S4, S5, Note 1, 2,3, Apple 4s, 5s, 5c, 6c at kung anu-anong bersyon ng mga cell phone na mabilisang nag-uupgrade at pabago-bago. Yung tipong, kakabili mo palang ng S4 ay may S5 na bigla.

                Kasimbilis ng pagbabago-bago ng gadgets ang pagpapalit nito ng mga tao. Dahi dito ay karaniwan nating nakikita ang mga bagay-bagay bilang disposable, madaling itapon.-Kapag hindi na uso, kapag may bago na, itatapon nalang ng basta-basta.

                Dahil sa pagbabago-bago ng teknolohiya, nakakalimutan natin ang mga halaga ng mga simpleng bagay. Masyado tayong na-eexcite  sa mga bagong paparating na hindi na natin pinahahalagahan yung tulong na ibinigay ng luma sa atin. Kapag mabagal at nag-hahang na siya ay mabilis na tayong naaaburido.

                Tunay ngang mas napapabilis ng technolohiya  ang ating pagkilos at madalas kahit na hindi natin nararamdaman ay nagmamadali na tayo sa lahat ng ating ginagawa na tila ba’y kulang na kulang ang oras natin. Madalas ay nauubos ang oras natin sa facebook, instagram at kung anumang  bagay na may kinalaman sa internet at social media. Dahil dito, hindi na natin naiisip ang realidad sa mundong sa labas ng internet.

                Karaniwan nating iniisip na ang teknolohiya ay daan upang mas maging malapit tayo sa mga tao. Maaring nga na ito’y naipapakita dahil sa Skype, Viber  o kung anumang social media application kung saan maari mong makita at makausap ang mga taong mahal mo ngunit malayo sa iyo. Ngunit, hindi rin natin maipagkakaila na dahil rin sa teknolohiya ay napapalayo tayo sa mga taong mahal natin. Halimbawa nito ay karaniwang set up sa bahay na may magulang na gumagamit ng laptop para gumawa ng trabaho na kailangang ituloy sa bahay, mga anak na gumagamit ng tablet or smart phone mag-tweet, instagram, facebook habang “nagreresearch” para sa asignatura. Imbis na gamitin ang oras sa bahay upang makasama ang isa’t isa ay mayroon silang sari-sariling mundo at kahit na pisikal silang magkakasama at magkakatabi ay lumilipad naman ang kanilang isip sa ibang mga bagay. Isa pang halimbawa ay imbis na bisitahin ang extended family na nasa probinsya o sa malayong lugar ay pinipili nalang natin na makipag-skype sa kanila dahil hassle pa ang biyahe at pwede naman silang makausap sa pamamagitan ng webcam.

                Dahil sa teknolohiya, tayong mga tao ay nagiging impatient, kung kaya’t ang mismong oras ay napapabilis narin natin sa pamamagitan nito. Nakakalimutan natin kung ano nga ba ang tunay na essential sa ating buhay. Minsan ay kinakailangan rin nating tumigil, huminga at mag-break sa technolohiya upang ating bigyang halaga ang mga simpleng bagay sa ating paligid. Baka di natin mamalayan, ay huli na bago pa natin mapagtanto na may mga mas importanteng bagay pala tayong dapat ginawa imbis na ikulong ang ating sarili sa mundong maka-moderno.

No comments:

Post a Comment